Humingi ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng karagdagang P9.8 bilyon bilang repatriation fund para sa mga umuwing overseas Filipino workers (OFW) na naapektuhan ng pandemic.
Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Administrator Hans Leo Cacdac, inaasahan na mauubos na sa Abril o Mayo ang P6.2 bilyon na pondo na ginagamit sa hotel, transportation, at food expenses ng mga bumalik na OFWs.
“[Labor] Secretary [Silvestre] Bello wrote [Budget] Secretary [Wendel] Avisado as a preemptive measure to receive supplemental funding from the national government,” sabi ni Cacdac sa press briefing.
“That’s for the remainder of the year, so P9.8 billion. That is subject to the condition that the same conditions prevail,” patungkol niya sa patakaran na mandatory swab testing sa mga uuwing OFW na isasagawa limang araw matapos silang dumating sa bansa.
Mas mabilis umanong maubos ngayon ang pondo para sa hotel quarantine accommodation ng mga bumabalik na OFWs dahil mula sa dating isa hanggang tatlong araw ay ginawa na itong pito hanggang siyam na araw.
Noong nakaraang taon, P5 bilyon ang naging dagdag na OFW repatriation fund ng DOLE-OWWA.
Ayon kay Cacdac, nasa 10,000 repatriated OFWs ang kasalukuyang nananatili sa 140 hotel quarantine facilities.
Nasa 80,000 hanggang 100,000 na OFWs naman ang nakauwi na sa kani-kanilang pamilya.— FRJ, GMA News