Isang Filipino-American sa California, USA ang namatay tatlong araw matapos siyang luhuran sa likod ng leeg ng mga pulis para pigilan siya. Ang biktima, nagmakaawa pa raw sa mga awtoridad na huwag siyang papatayin.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Miyerkules, sinabing rumesponde ang mga pulis dahil sa "mental health emergency."
Makikita sa video ang biktimang si Angelo Quinto na hindi na gumagalaw habang tila ginigising siya ng mga awtoridad.
Nagmakaawa pa rin si Quinto noong una sa mga awtoridad na huwag siyang papatayin, ayon sa Facebook post ni Atty. John Burris.
Nangyari ang insidente noong December 23, 2020, at pumanaw si Quinto ilang araw matapos maging comatose sa ospital.
Wala pang pahayag ang pulisya sa naturang insidente, ayon sa ulat.
“Angelo Quinto's plea ‘please don't kill me’ made before the police snatched him from his mother's arm and put on [the] floor where a knee was put on the back of his neck… rendering him comatose before he passed away 3 days later,” ani Burris sa post.
Ayon sa kasama ni Burris na si Ben Nisenbaum, tinawagan ang mga awtoridad para tulungan sila para kay Quinto na mayroong mental health condition.
“But there were two emergencies that happened here. The first was Angelo’s mental health emergency then the police. And the police became a medical emergency to Mr. Quinto,” sabi ni Nisenbaum sa isang press conference.
“Mr. Quinto was suffering a mental health emergency and the police killed him. As Mr. Burris said, they snuffed the life out of him. And we know that,” dagdag niya.
Noong nakaraang taon, nagkaroon ng mga protesta sa Amerika matapos mamatay ang African-American na si George Floyd na niluhuran din ng mga pulis sa likod ng leeg nang kanilang arestuhin.
Sinabi ni Burris na maliban sa mental health condition, malusog ang pangangatawan ni Quinto.—FRJ, GMA News