Kahit nabakunahan sa United Arab Emirates, nagpositibo pa rin sa COVID-19 ang isang overseas Filipino worker (OFW) nang umuwi siya sa Pilipinas, ayon sa isang opisyal ng Department of Health.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabi ni DOH-Region 7 spokesperson Mary Jean Loreche, na bumalik sa Pilipinas ang OFW noong Enero 5.
Nabakunahan ang naturang OFW ng dalawang COVID-19 vaccine doses noong December 12, 2020 at January 2, 2021.
Pero hindi binanggit kung anong tatak ng bakuna ang ibinigay sa OFW.
Bilang bahagi ng standard quarantine and testing procedures sa mga umuuwing Filipino, isinailalim siya sa COVID-19 test at doon nakitang positibo siya sa virus.
Lima sa pitong miyembro ng pamilya ng OFW ang nagpositibo rin sa virus at inilagay sa isolation facility.
“Alam naman po natin ang isang tao kahit nabigyan na ng bakuna, hindi naman po ito garantiya na ikaw ay magkakaroon na ng immunity,” sabi ni Loreche.
“Ang epekto ng bakuna ay to prevent a severe disease. Kung ikaw ay nabakunahan at magkakaroon ka man ng COVID, hindi po ikaw magiging grabe. Hindi ka ipapasok sa intensive care unit,” paliwanag ng opisyal.
Sa kabila nito, ipinaliwanag ni Loreche ang positibong maidudulot ng COVID-19 vaccines.
“Wala rin po siyang sintomas from the time na dumating to the time na-swab at lumabas ang resulta. Hanggang ngayon wala pong nararamdaman ang ating kababayan,” dagdag niya.
Sabi pa niya, wala pang patunay na kayang pigilan ng COVID-19 vaccines ang pagkakahawa-hawa sa virus.
“Sa mga datos ng mga bakuna natin… it can prevent severe disease, it can prevent clinical disease. Pero to prevent transmission, hindi po clear cut ‘yan kaya hindi po natin masasabi na ikaw, kung nabakunahan ka, hindi ka na makakahawa,” paliwanag ng opisyal.
Sa Pilipinas, hindi pa rin nasisimulan ang pagbabakuna matapos maantala ang delivery ng mga gamot ng Pfizer-BioNTech ngayong Pebrero. Dahil ito sa usapin ng "indemnification" o pagbibigay ng danyos sa mababakunahan sakaling magkaroon ng matinding negatibong epekto ang gamot.—FRJ, GMA News