Ilang araw makaraang maturukan ng COVID-19 vaccine, kinumusta ang pakiramdam ng isang Filipino nurse sa United Kingdom kung may nararamdaman ba siyang side effect sa gamot.

Sa panayam ng Dobol B sa News TV nitong Lunes, sinabi ni Leo Quijano na maraming Filipino nurses na sa UK ang nakatanggap ng anti-COVID-19 vaccine ng Pfizer-BioNTech.

“So far, this is my pang-apat na araw ko na po after nag-vaccination ako ng COVID-19 vaccine. Wala naman akong nararamdaman so far,” ayon kay Quijano.

Ipinaliwanag din ni Quijano na "very common" na side effects ng pagbabakuna ang bahagyang sakit ng katawan, bahagyang lagnat at tila pagkapagod isang araw matapos mabakunahan.

Pero kaagad naman daw nawala ang mga ito, ayon sa nurse.

“A day after ng injection, nagkaroon ako ng mild body pain, tiredness, tsaka mild fever. Pero, nawala rin po the next day because I took some paracetamol,” paliwanag niya.

Ayon kay Quijano na 20 taon nang nagtatrabaho bilang nurse sa UK, na nais niyang magbigay ng impormasyon sa mga Filipino tungkol sa kaligtasan ng bakuna sa kabila ng mga agam-agam.

“The reason why I'm doing this interview is to spread awareness para ma-share din po 'yung mga experiences ko para mawala po 'yung anxiety tsaka agam-agam noong mga kababayan natin,” pahayag niya.

“Nakakatakot kasi marami na nangyari before na mga reaction to a certain vaccination diyan sa atin. Pero, I bet this one so far is safe kasi pinag-aralan naman po before it become available to the public,” patuloy ni Quijano.

Tatanggap ng ikalawang second dose ng bakuna si Quijano sa December 31. —FRJ, GMA News