Nasa 6,000 na ang mga overseas Filipino worker (OFW) na stranded sa Metro Manila at hindi kaagad makauuwi sa kani-kanilang lalawigan habang hinihintay ang resulta ng kanilang coronavirus disease 2019 (COVID-19) test.
Natigil ang paglabas ng resulta ng swab tests ng mga OFW na isinasagawa ng Philippine Red Cross (PRC) dahil sa malaking utang ng PhilHealth.
Ang PRC ang nagsasagawa ng swab tests sa mga OFW, na binabayaran naman ng PhilHealth.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), nasa mga hotel ang mga OFW na nagsisilbi nilang quarantine facilities sa Metro Manila.
“Stranded in the sense na ‘yung 17 government labs ang nag pro-process nung results kaya tayo ay nananalig doon sa sinabi na three to seven days ang processing time,” OWWA Administrator Hans Cacdac sa panayam ng "Dobol B sa News TV" nitong Miyerkules.
Tiniyak naman ng opisyal na nasusunod ang health protocols sa kapasidad ng mga quarantine facility.
“So far kakayanin, kakayanin natin dahil tatandaan natin nung bandang Mayo kinaya naman nung 12,000 hanggang 15,000. Kaya sa ngayon kung pinag-uusapan natin ay 6,000 hanggang 6,000 ay kakayanin ito, kakayanin ito ng ating hotel quarantine facilities in coordination with the Department of Tourism,” ani Cacdac.
Dagdag pa ni Cacdac, nasa 5,700 specimens ang naiproseso ng mga government laboratory sa national at local nitong nakaraang dalawang araw.
Umaasa naman ang OWWA official na mareresulta rin ang problema ng PRC at PhilHealth.
“Kasi kanina lang nagpulong… nandoon ‘yung mga government laboratories na talagang nanalig tayo sa kanilang committment na talagang they will process… within the normal times, processing times, schedules,” anang opisyal.
Sa isang ulat nitong Martes, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na nasa 4,000 OFWs ang hindi makauwi sa kanilang mga lalawigan dahil sa paghihintay ng resulta ng swab test.--FRJ, GMA News