Isang OFW na nagtagumpay sa kaniyang trabaho sa Dubai ang handang tumulong sa kaniyang mga kapwa-OFW na nawalan ng trabaho sa pamamagitan ng pagpapatira ng libre sa paupahang kuwarto.
“I know how it feels to be ‘empty.’ Alam ko ang pakiramdam ng walang work, walang source of income at puro palabas ang pera,” sabi ng 36-anyos na si Michico Lopez Ramos.
May labing-limang taon na ang nakalilipas mula nang dumating sa Dubai si Ramos. Pag-amin niya, dumating din siya noon sa maraming pagsubok habang nagsisimula roon.
“‘Empty,’ as in ubos… yung tipong wala na ring mahingian ng tulong kagaya nila ngayon. Kasi lahat naman affected ng pandemic. Walang source of income yung iba kasi natanggal sa work, nagbawasan ng suweldo and what’s even worse is that continuous ang monthly bills,” saad ni Ramos, na regional sales director ngayon ng isang marketing and media company.
Aniya, malaking pahirap sa mga OFW ang pagrerenta ng matutulugan sa Dubai kahit maliit na partition room lang na kasinglaki ng isang slot ng car parking lot.
Ang renta umano ay umaabot ng Dh1,000 hanggang Dh1,200 o katumbas ng P13,300 hanggang P16,000 sa isang buwan.
“Mas mabigat ang rent kaya naisip ko na mag-offer ng free rent para makatulong. Para kahit papano ay mapagaan ang bayarin nila, maiwasan mag-isip, maging positive sa buhay at muling makabangon,” sabi ni Ramos, na tubong Bulacan.
Handa si Ramos na patirahin muna ng libre sa kaniyang kababayan, at maaaring magbayad na lang kung makakakuha na ng trabaho. Gayunman, dapat daw na sagutin ng titira sa kuwarto ang bayarin sa utilities at internet connection.
“Bibigyan ko sila ng time para makahanap ng work at pwede naman unti-unti ang bayad hanggang makaluwag sila,” paliwanag niya.
Mayroon umanong tatlong three partitioned rooms na dating nirerentahan si Ramos sa Al Rigga, Deira, Dubai. Balak na rin daw niyang magdagdag pa.
“Matagal ko na siyang pinapa-upahan. Naging way lang po siya para makatulong ako sa iba kahit sa maliit na bagay,” aniya.
Sa ngayon, mayroon na umanong nais na tumira sa mga kuwarto na kaniyang inialok matapos niyang i-post sa social media ang kaniyang hangaring makatulong.
“Hoping po na ma-share ko din ang blessings ko sa iba. If maging ok lahat, yes po mag-oopen tayo para madami pang matulungan. Ipag-pray po natin yan,” dagdag niya.--FRJ, GMA News