Kabilang ang libu-libong overseas Filipino workers na bumalik sa Pilipinas dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic ang naapektuhan ng pagtigil ng Philippine Red Cross sa isinasagawa nilang swab test dahil sa malaking utang sa kanila ng PhilHealth.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na mahigit 4,000 OFWs ngayon ang stranded sa Metro Manila at hindi makauwi sa kani-kanilang lalawigan dahil sa natigil na swab test.
Kabilang ang mga umuuwing OFWs at mga nasa mega quarantine facilities ng gobyerno ang sagot ng PhilHealth sa swab test na ginagawa ng PRC.
Dahil sa pagtigil ng PRC sa pagsasagawa ng swab test, ang dating nasa 1,000 hanggang 3,000 na OFW na napapauwi sa kani-kanilang probinsiya bawat araw, ngayon ay nasa 300 na lang umano.
Kung dati ay tumatagal lang daw sa tatlo hanggang apat na araw lang sa mga hotel ang mga OFW bago sila pauwiin ng mga lalawigan, ngayon ay nasa isang linggo na raw.
Dahil dito, sinabi ni Bello na lumaki rin ang kanilang gastusin sa pag-aasikaso sa mga OFW habang nasa Metro Manila.
Tinatayang nasa 100,000 OFWs pa raw ang inaasahang darating sa bansa bago matapos ang 2020.
Ang swab test ay kabilang sa mga rekisito sa mga OFW bago sila payagang makauwi sa probinsiya upang matiyak na wala silang dalang COVID-19 sa pagbalik nila sa kani-kanilang lalawigan.
Itinigil ng PRC ang swab test dahil umabot na umano sa halos P900 milyon ang utang PhilHealth sa kanila.
Pero tiniyak naman ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang televised address nitong Lunes na babayaran niya ang utang ng PhilHealth sa PRC.--FRJ, GMA News