Inihayag ng Overseas Workers Welfare Administration na may panibagong grupo ng mga labi ng mga Pinoy na nasawi sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) ang darating sa Pilipinas ngayong weekend.
Ito na ang ikalimang batch ng mga bangkay ng mga OFW mula sa KSA ang maiuuwi sa bansa magmula noong Hulyo.
Kasama sa mga nauwi ay ang mga labi ay mga Pinoy na nasawi sa COVID-19.
“Aakyat na po sa mahigit kumulang 320 in all ang human remains, so that means mga 320 families po ang natulungan natin kahit papano na sila’y makapag-closure dito, magkaroon din ng healing sa kanila,” sabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac sa Laging Handa briefing nitong Biyernes.
“First time lang ito nangyari sa kasaysayan natin na nagkaroon ng mass repatriation ng human remains kasi naipon nga po sila gawa ng lockdown sa Saudi,” sabi pa ng opisyal.
Una rito, nangako si Labor Secretary Silvestre Bello III na gagawin ng pamahalaan na patuloy na maiuwi ang mga labi ng mga Pinoy sa abroad, "and if need be, not only from the Middle East but also from all over the world.” —FRJ, GMA News