Halos walang sintomas ng sakit na naramdaman si Julius Sana, health worker sa United Kingdon, nang tamaan siya ng COVID-19. At nang magpatingin na siya sa ospital, natuklasan na matindi na ang naging epekto ng virus sa kaniyang baga.
Ayon sa kaniyang maybahay na si Marica, sinabihan sila sa ospital na nang panahon na 'yon, 30 porsiyento lang ng mga katulad na kaso ni Juluis ang may pag-asang gumaling.
Kahit ganoon, hindi pa rin siya sinukuan ng mga doktor. Kumapit sila sa 30 porsiyentong pag-asa na gagaling si Julius.
Pero matapos ang 18 na araw ng intubation, tuluyan nang pumanaw si Julius sa edad na 40. Naulila niya ang kaniyang maybahay at dalawa nilang batang anak.
Hindi nila inakalang ang araw na inihatid nila si Julius sa ospital, ang huling araw din na makikita nilang buhay si Julius.
At nang dumaan ang funeral service ni Juluis sa kanilang lugar, hindi inasahan ni Maricar na papalakpakan ng mga tao ang kaniyang mister.
Sa kabila ng pangyayari at matinding lumbay, kailangan harapin nina Maricar at dalawa niyang anak ang buhay na wala na ang kanilang padre de pamilya. Tunghayin ang kanilang kuwento sa video na ito ng "Frontliners."--FRJ, GMA News