Mahigit 600,000 overseas Filipino workers na ang nawalan ng trabaho dulot ng COVID-19 pandemic, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na tinutugunan naman ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga OFW na humihingi ng tulong.
Sa pinakahuling datos nitong Agosto 15, sinabing 604,403 na OFWs ang humingi ng cash aid sa DOLE, batay sa impormasyon mula sa OWWA at Philippine Overseas Labor Offices (POLOs).
Sa nabanggit na bilang, 349,977 umano ang nasa ibang bansa pa at 254,426 na ang naiuwi.
Naaprubahan na umano ang 272,000 na cash aid request ng mga OFW.
Sa ilalim ng Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) program ng DOLE, ang mga OFW na naapektuhan ng pandemya ay bibigyan ng one-time $200 o P10,000 cash assistance.
Mayroong P2.5 bilyon na pondo ang AKAP program na maaaring pakinabangan ng 250,000 OFWs.
Sinabi ng DOLE na paubos na ang P2.436 bilyon na ginamit upang matulungan ang 237,778 OFWs hanggang nitong Sabado.
Ayon kay Bello, iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo ang pagpapalabas ng karagdagang P5 bilyon pondo para sa repatriation at assistance sa mga OFW. —FRJ, GMA News