Nanawagan ang mga kaanak ng OFW na nasawi sa pagsabog sa Beirut, Lebanon na tulungan silang maiuwi sa bansa ang mga labi nito. Samantala, nakita na ang huling Pinoy seafarer na nawawala dahil sa naturang trahediya at umakyat sa 24 ang bilang ng mga Pinoy doon na nasaktan.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing nakita ang bangkay ng OFW na si Ardel Maglangit na nadaganan ng mga nabasag na salamin sa bahay ng kaniyang amo.

“Isa po siya sa nasawi kahapon sa pagsabog do’n sa Lebanon. Kawawang-kawawa po ang aking kapatid. Ako po’y nanghihingi sa inyo ng tulong, sa gobyerno ng Pilipinas na sana mapauwi na po ‘yung aming kapatid,” hiling ni Liezel Ramos.

“Labis po ang aming paghihinagpis sa nangyaring ito. Hindi po namin madaling matanggap. ‘Di namin alam kung saan kami hihingi ng tulong. Sobrang sakit na nabalitaan namin na ganito ang nangyari sa kanya at sana makauwi agad ang kaniyang mga labi dito,”dagdag naman ni Grecila Bustamante.

Pinanabikan pa naman ng anak ni Maglangit na si Nikki ang nakatakdang pag-uwi ng kaniyang ina ngayong taon.

“Mama kung nasaan ka man ngayon… sana gabayan mo po kami palagi na malampasan namin ‘tong lahat ng paghihirap sa ngayon,” umiiyak na pahayag ng anak.

Una rito, tiniyak ni Overseas Workers Administration administrator Hans Leo Cadac na aasikasuhin nila ang pag-uwi ng mga labi ng dalawang OFW na nasawi sa naganap na pagsabog.

Sa hiwalay na Twitter post ni Soriano, sinabi nito na nakita na ang huli sa 11 na Pinoy seafarer na naunang iniulat na nawawala.

Ligtas na umano ang lahat ng 11 tripulanteng Pinoy.

 

 

Samantala, umakyat na sa 24 ang bilang ng mga Pinoy na nasaktan sa nangyaring pagsabog.

Isa sa mga nasaktan si Sulit Salvador, na nagtatrabahong kasambahay, at nagawang mailigtas ang dalawang bata na kaniyang inaalagaan.

“Tatayo sana ako at sisilipin kasi may narinig akong biglang pagsabog. Bigla na lamang nagtalsikan ‘yung mga bubog, ‘yung main door namin na salamin pabagsak sa amin ng alaga ko kaya sinalo ko,” kuwento niya.

“Shock na shock talaga ako. Hindi ko alam. Hindi ako nakaramdam ng sakit o ano pa man no’ng oras na ‘yun pero ‘yung katawan ko ay duguan na ako,” dagdag ni Salvador.

Ang isa pang Pinay na si Nary Antonette Olita, inakala raw na katapusan na ng mundo.

“Sa sobrang takot tumakbo na kami kasi hindi ko alam na akala namin katapusan na namin ‘yun. Nakakatakot po talaga. Hindi na po talaga safe,” ayon kay Olita.

Tinatayang nasa 33,000 umano ang nasa Lebanon, ayon sa Department of Foreign Affairs.--FRJ, GMA News