Natagpuang ligtas bagaman nagtamo ng bahagyang mga sugat ang 10 sa 11 Pinoy seafarers na unang iniulat na nawawala matapos ang malakas na pagsabog na naganap sa Beirut, Lebanon, ayon sa Department of Foreign Affairs.
Batay sa impormasyong mula sa Philippine embassy sa Lebanon, sinabi ng DFA nitong Miyerkules na nagtamo ng minor injuries ang mga tripulante at nasa pangangalaga na ng pamunuan ng kanilang company na Abu Merhi Cruises, sa Ain el Mraiseh.
"This development leaves one seafarer missing," ayon sa DFA.
Ligtas din umano ang lahat ng kawani ng embahada.
Tinatayang hindi bababa sa 100 katao ang nasawi sa naturang pagsabog. Kabilang sa mga nasawi ay dalawang Filipino overseas workers.
Nasa halos 4,000 katao naman, kabilang ang walong Pilipino sa mga nasugatan sa pagsabog na lumikha ng napakalakas na shockwave sa lungsod.
Ang nakaimbak na tone-toneladang ammonium nitrate na nasa isang bodega sa pantalan ang sinasabing pinagmulan ng malakas na pagsabog, ayon sa mga awtoridad sa Lebanon.--FRJ, GMA News