Ikinalungkot ng Malacañang ang pagkasawi ng isang Pinoy seafarer na nakasakay sa cruise ship at naghihintay na makauwi na sa Pilipinas.
“The Palace is saddened by the unfortunate death of a seafarer on board the Harmony of the Seas for repatriation,” sabi ni presidential spokesperson Harry Roque nitong Huwebes.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente, ayon kay Roque.
Hiniling naman niya sa mga kinauukulang ahensiya na alamin din ang emosyonal na kalagayan ng mga labis na naapektuhan ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
“The worldwide pandemic is taking an emotional toll on everyone and we must help our countrymen how to cope with stress, fear and worry in this challenging time,” sabi ni Roque.
Idinagdag niya na naghahanap ng paraan ang pamahalaan para lalo pang mapabilis ang pagpapauwi sa mga OFW na naapektuhan ng pandemya.
Una nang sinabi ng Department of Labor and Employment na tinatayang 16,000 pang OFWs ang nakatakdang umuwi sa bansa ngayong Hunyo.--FRJ, GMA News