Inabot ng walong oras sa bus ang paghihintay ng 130 OFWs na kauuwi lang galing sa United Kingdom nang magkaaberya sa pagpoproseso ng kanilang mga dokumento sa tutuluyang quarantine facility sa Mandaluyong.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" sinabing dumating sa bansa nitong Martes ang mga OFW. Ngunit na-stranded sila at naghintay mula alas-otso ng gabi ng Martes hanggang umaga ng Miyerkoles sa mga bus.
Nakatakda sana silang dalhin sa hotel sa Mandaluyong pero tumagal ang pagpoproseso sa kanilang mga dokumento at 20 OFW lang ang na-accomodate.
Umaga ng Miyerkoles na sila nailipat sa hotel na quarantine facility sa Cubao, na mas mabilis ang pagpoproseso.
Magkakasama ang mga OFW sa isang cruise ship na nag-disembark sa Southampton, United Kingdom.
Nag-quarantine ang mga OFW nang isang buwan sa UK bago sila umuwi ng Pilipinas, at araw-araw kinukunan ng temperatura.
Wala naman sa kanila na nagpositibo sa COVID-19.
Wala umanong sumasagot sa kanila nang subukan nilang makipag-ugnayan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at PCG.
"Wala na kaming ideya, talagang exhausted na kami sa haba ng biyahe namin. Kung tutuusin puwede kaming magpasundo kaya lang nagko-comply kami sa batas natin eh," sabi ng OFW na si Joybel Modelo.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News