Inihayag ng embahador ng Pilipinas sa Madrid na anim na Pilipino ang nasawi sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Spain. Sa datos naman ng Department of Foreign Affairs, nakasaad na 5,405 na ang kabuuang bilang ng mga Pinoy sa abroad na tinamaan ng virus sa iba't ibang bahagi ng mundo.

Sa televised briefing nitong Lunes, sinabi ni Consul General Adrian Elmer Cruz, nasa 82 Pinoy ang pinaghihinalaan o kumpirmadong nahawa ng virus. Kabilang ang 32 na gumaling at anim na nasawi.

Idinagdag ni Cruz na natulungan ng embahada ang pagpapauwi sa 925 Pinoy seafarers.

Umabot sa mahigit 200,000 ang COVID-19 cases sa Spain. Pero dahil bumagal na ang hawahan at bumababa na rin ang bilang ng mga nasasawi, dahan-dahan nang niluluwagan ang quarantine restriction sa kanila.

Inihayag din ng pamahalaan ng Espanya na aalisin na sa Hunyo 21 ang idineklarang state of emergency.

Samantala, sa datos na inilabas ng DFA nitong Lunes, nakasaad na 5,405 na ang kabuuang bilang ng mga Pinoy sa abroad na tinamaan ng COVID-19.

 

 


Sa naturang bilang, 2,231 ang gumaling na, 371 ang nasawi, at 2,803 ang patuloy na nagpapagaling.

Pinakamaraming kaso ng mga Pinoy sa abroad na tinamaan ng virus ay nasa Middle East/Africa na umaabot sa 3,368. Sumunod naman ang Europe (852 cases), Americas (662 cases) at Asia Pacific Region (523 cases).--FRJ, GMA News