Inihayag ng pinuno ng National Task Force Against COVID-19, na 19 sa mga ni-repatriate na overseas Filipino workers (OFWs) ang nagpositibo sa COVID-19.

“So far, 19 po ang positive, and we are waiting for an official report from the Philippine Red Cross,” sabi ni Carlito Galvez Jr., pinuno ng task force, sa ginanap na Laging Handa briefing nitong Miyerkules.

Idinagdag ni Galvez na halos puno na ang quarantine facilities para sa mga umuuwing OFWs. Tinatayang 23,480 OFWs umano ang sumasailalim sa 14-day mandatory quarantine.

Dahil dito, kinailangan suspindihin umano ang pagdating ng mga eroplano mula sa ibang bansa sa loob ng isang linggo, na tatagal hanggang sa Mayo 8.

"Halos puno na po ang hotels at ibang accommodation [for our arriving OFWs]. Kung hihigit pa po sa 30,000, mahihirapan na po tayo ma-control ang situation," saad ng opisyal.

"Kailangan po natin gawin itong inbound flight suspension para po maka-comply po ang NAIA (Ninoy Aquino International Airport) sa minimum health standard at ma-i-test po ang ating OFWs under PCR (Polymerase Chain Reaction) testing upon their disembarkation,” patuloy ni Galvez.

Sabi pa ng opisyal, tinatayang mahigit 44,700 OFWs pa ang darating ngayong Mayo.

"Dapat po, 400 to 500 per day lang [ang darating] para ma-manage po natin mabuti," ayon kay Galvez.--FRJ, GMA News