Dalawang Pilipino sa Kuwait ang pumanaw dahil sa komplikasyong dulot ng coronavirus disease 2019, ayon sa Philippine embassy doon. Sa datos naman ng Department of Foreign Affairs, umakyat na sa 201 ang mga Pinoy sa abroad na nasawi dahil sa virus.
Sa televised briefing nitong Huwebes, sinabi ni Chargé d'Affaires Charleson Hermosura, na 51 Pilipino na sa Kuwait ang dinapuan ng virus hanggang nitong Miyerkules.
Ayon pa kay Hermosura, nagbibigay ng food packs, at inaayos na rin ang financial assistance sa mga overseas Filipino workers doon na nawalan ng kabuhayan.
Inihahanda rin ang repatriation sa mga nais nang umuwi sa Pilipinas.
Nitong Martes, sinabi embahada sa isang pahayag na halos 2,000 undocumented at distressed Filipinos ang nakabalik na sa Pilipinas matapos sumailalim sa amnesty program.
Sa datos naman na inilabas ng DFA nitong Huwebes, sinabing nadagdagan ng 33 ang bagong kaso ng mga Pinoy sa abroad na tinamaan ng virus na nasa 46 na bansa at teritoryo.
Today, the DFA confirms almost a total of 1,700 COVID-19 cases among our nationals abroad, of which are 33 new confirmed cases (10 DOH IHR verified), 17 new recoveries, and 2 new deaths. The updated figures show that the total number of recoveries at 451 remains higher (1/2) pic.twitter.com/KJ3ygd6mW0
— DFA Philippines (@DFAPHL) April 30, 2020
Dahil dito, umakyat sa 1,677 ang kabuuang bilang ng OFs na nagpositibo sa COVID-19.
Sa nasabing bilang, umakyat na sa 201 ang nasawi, 451 ang gumaling at 1,025 ang patuloy na ginagamot.
Sa Middle East/Africa kung saan kabilang ang Kuwait, nakasaad na mayroon itong 356 na COVID-19 cases sa mga Pinoy. Sa nasabing bilang, 18 ang pumanaw, 324 ang ginagamot at 14 ang gumaling.
Mas dumami naman ang mga Pinoy sa Europe na tinamaan doon ng virus na nasa 483. Sumunod ang Americas (471), at Asia Pacific Region (367.)--FRJ, GMA News