Habang nadaragdagan ang mga bansang apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), patuloy din na tumataas ang bilang ng mga Pinoy sa abroad na nagpopositibo sa virus.
Sa inilabas na datos ng Department of Foreign Affairs nitong Miyerkules, nakasaad na 46 na ang mga bansa at teritoryo sa iba't ibang panig ng mundo ang mayroong Pilipino na nagpositibo sa COVID-19.
Nadagdagan ng 40 ang mga Pinoy sa abroad na nagpositibo sa virus para sa kabuuang bilang na 1,644. Sa naturang bilang, 199 na ang nasawi, 434 ang gumaling, at 1,011 pa ang patuloy na ginagamot.
"Of the 46 countries and regions with confirmed COVID-19 cases among Overseas Filipinos, the DFA reports today 40 new cases, giving a total of 1,644 confirmed cases (432 DOH IHR verified) across the Americas, Asia and the Pacific, Europe, and Middle East/Africa," ayon sa Twitter post ng DFA.
"To date, only 26% of the confirmed cases have been verified by the DOH through the National Focal Point (NFP) for International Health Regulations (IHR) due to some challenges in obtaining reports and verification from the NFPs of IHR in other countries," dagdag nito.
Kumpara sa datos na inilabas ng DFA nitong Martes, lumilitaw na walo ang bagong nasawi sa Americas para sa kabuuang bilang na 115. Dalawa naman ang nadagdag na nasawing Pilipino sa Middle East/Libya para sa kabuuang 18.
Nananatili naman sa 64 ang mga nasawing Pilipino sa Europe at dalawa sa Asia Pacific Region.
Mas mataas na rin ang bilang ng mga Pinoy na nasa Americas (may anim na bansa) na nagpositibo sa virus na 468, sumunod naman ang Europe (may 16 na bansa) 461, habang 365 sa Asia Pacific (may 12 bansa) at 350 sa Middle East/Africa (may 12 bansa).
(1/3) Of the 46 countries and regions with confirmed COVID-19 cases among Overseas Filipinos, the DFA reports today 40 new cases, giving a total of 1,644 confirmed cases (432 DOH IHR verified) across the Americas, Asia and the Pacific, Europe, and Middle East/Africa. pic.twitter.com/LUSM5q9zqs
— DFA Philippines (@DFAPHL) April 29, 2020
Kabilang sa mga nasawing Pilipino sa abroad dahil sa komplikasyon sa COVID-19 ay ang 34-anyos na Filipino research nurse na si Ken Lambatan mula sa St. George's Hospital sa United Kingdom.
Samantala, isang Pinoy nurse din ang pumanaw sa komplikasyong dulot ng COVID-19 sa Dubai, United Arab Emirates, at nasawi naman sa Los Angeles sa Amerika ang isang 61-anyos na Pinay nurse dahil din sa virus.--FRJ, GMA News