Dalawang Pilipino nurse ang pumanaw sa komplikasyong dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). Ang isa ay lalaking nurse sa Dubai, United Arab Emirates, habang 61-anyos na babae naman ang nasa Los Angeles, California sa Amerika.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras News Alert" nitong Miyerkules, sinabing nakatalaga ang nurse na si Marlon Jimenea, sa intensive care unit sa University Hospital of Sharjah sa Dubai.

Pumanaw siya nito lang Linggo sa edad na 44.

Hiling ng asawa ni Jimenea, na isa ring nurse, na maiuwi sana sa Pilipinas ang abo ng kaniyang mister.

Hangad din niyang mabigyan ng educational assistance ang anim na taong gulang nilang anak na babae.

Samantala, pumanaw naman noong Abril 17 ang 61-anyos na nurse na si Celia Lardizabal Marcos, na nagtatrabaho sa Hollywood Presbyterian Medical Center sa LA.

Sa ulat ng news agency KTLA 5, sinabing binawian ng buhay si Lardizabal, dalawang araw matapos makumpirma na taglay niya ang virus.

Ayon sa kaniyang anak na si John Marcos, nagtatrabaho sa ospital ang kaniyang ina mula pa noong 2004.

Sabi pa ni John, kahit mga pasyenteng may COVID-19 ang inaasikaso ng kaniyang ina, surgical mask lang umano gamit nito dahil sa kakulangan ng personal protective equipment.

"Regardless of the danger she was in, she would always worry about others," pahayag ni John. "She knew they needed her and that was all she needed as a reason."

Masakit din sa kalooban ni John na pumanaw ang kaniyang ina nang hindi man nila nakita. Pero ipinagpapasalamat niya na kahit papaano ay naratay ang kaniyang ina sa ospital na pinagtatrabahuhan kaya kasama nito ang mga kakilalang katrabaho sa ospital.

Plano ni John at ng kaniyang mga kapatid na iuwi sa Pilipinas ang abo ng kanilang ina.

Sa datos na inilabas ng Department of Foreign Affairs nitong Martes, sinabing 1,604 Filipino na sa abroad ang nahawahan ng COVID-19.

 

 

Sa naturang bilang, 189 ang nasawi, 419 ang gumaling at 996 ang patuloy na ginagamot. --FRJ, GMA News