Bumuhos ang emosyon ng mga kaanak ng overseas Filipino worker na pinaslang at pinagsamantalahan pa umano sa Kuwait nang dumating sa bansa ang mga labi nitong Huwebes ng hapon.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes, sinabing kasamang sumalubong sa mga labi ng OFW na si Constancia Dayag ang ilang opisyal ng pamahalaan sa pangunguna ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin.
May 14 nang dalhin umano ng kaniyang amo sa ospital si Dayag dahil sa mga tinamo nitong pagmamalupit at pinagsamantalahan pa, ayon sa naunang ulat ng Department of Labor.
Hiniling umano ng DFA sa Criminal Evidence Department ng Kuwait's Ministry of Interior, na agarang ilabas ang official forensic report sa katawan ni Dayag.
Base umano sa death certificate na inilabas ng Al-Sabah hospital kung saan dinala at pumanaw ang OFW, "under investigation" pa ang sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Ayon naman sa DFA, kapag nakuha na nila ang kopya ng forensic report mula sa Kuwait ay kaagad nila itong ipasusuri sa National Bureau of Investigation (NBI).
Inilapit na rin ng DFA sa NBI ang kaso ni Dayag upang magsagawa ng independent autopsy at toxicology tests sa labi ng OFW.
Nagtungo umano nitong Huwebes ng hapon ang NBI sa cargo terminal kasama ang mga taga-DOLE at OWWA.
Sinabi ng DFAna patuloy silang makikipag-ugnayan sa pamamagitan ng Philippine Embassy sa Kuwait para sa agarang paglalabas ng resolusyon sa felony murder case na nauna ng sinampa ng Kuwaiti General Prosecutor's Office na suportado.
Gayunman, hindi pa rin inihahayag ng DFA kung sino ang kinasuhan kaugnay sa nangyari sa OFW.-- FRJ, GMA News