Sinimulan na ng Department of Foreign Affairs nitong Huwebes ang paglilikas sa mga Pinoy sa Tripoli, Libya bunga ng nagaganap na kaguluhan doon.
Sa isang pahayag, sinabi ng DFA na ang unang batch ng mga inilikas na Pinoy ay kinabibilangan ng tatlong hospital worker at apat na estudyante.
"They were evacuated by the Philippine embassy this morning to Tunisia where they will be repatriated to the Philippines," ayon sa DFA.
Sinabi ni Embassy Chargé d’Affaires Elmer Cato, na 13 pang Filipino ang nakatakdang ilikas patungong Tunisia sa mga susunod na araw.
Sasagutin umano ng isang Islamic school sa Tripoli ang gastusin sa repatriation ng apat na estudyante, habang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) naman ang magbabayad ng airfare ng tatlong manggagawa mula sa Ali Omar Ashkar Hospital, na nasa labas ng Tripoli.
Sa tinatayang 1,000 Pinoy sa Tripoli, 20 pa lang ang nagpahayag ng kagustuhan na makaalis sa naturang bansa mula nang itaas ng pamahalaan ng Pilipinas sa alert level 3 ang sitwasyon sa Libya dahil sa nangyayaring civil war.
Una nang nanawagan ang pamahalaan sa mga Pinoy sa Libya na sumailalim sa voluntary repatriation para sa kanilang kaligtasan.
Nitong Martes, isang Pinoy ang naiulat na nasugatan nang mahagip ng rocket attack ang kaniyang bahay sa Tripoli.
Kinilala ang nasugatang Pinoy na si Rolando Torres, tubong Nueva Ecija, at 2006 pa nagtatrabaho sa Libya.
"He now wants to go home," sabi ni Cato.-- FRJ, GMA News