Isang OFW na tatlong linggo pa lang sa Jeddah, Saudi Arabia, ang halos mabulag sa kanang mata matapos siyang pagsusuntukin umano ng kanyang amo.
Sa ekslusibong panayam ng GMA News sa biktimang si Lovebella Abcede, ipinakita niya ang kanyang kanang mata na pulang-pula dahil sa namuong dugo bunga ng sunod-sunod umanong panununtok ng kanyang amo.
Aniya, bigla siyang pinagsasampal at pinagsusuntok ng kanyang amo nitong Nobyembre nang magpaalam siyang magpalipat ng ibang employer matapos siyang sabihan na pauuwiin dahil sa hindi niya pagsunod sa utos ng kanyang amo.
Nagkataon na ang amo ni Abcede ay siya ring may-ari ng agency na nag-deploy sa kanya sa Saudi Arabia.
"Nakalimutan ko na po kung gaano ako kadami sinuntok. Maraming beses po kasi pagkasampal-sampal sa mukha ko natabig ko po kamay niya kasi po iganon (itusok) niya ang ballpen niya sa mata ko, eh nakailag po ako kaya hinablot niya ako at pinagsuntok-suntok ang ulo ko at saka ang mata ko," ani Abcede.
Dahil sa nangyari agad na inaasikaso ng agency ang pagpapauwi sa kanya sa Pilipinas at binalaan umano siyang wag ipaalam ang nangyari sa kanya at susunduin daw siya ng kanyang agency pagdating niya ng Pilipinas.
Sinabi ni Abcede na gumawa siya agad ng paraan na makapagsumbong sa Philippine Consulate nang sinubukan niyang pakiusapan ang driver na idaan siya saglit sa konsulado noong araw na ihahatid na siya sa airport para pauwiin sa Pilipinas.
"Ihahatid po sana ako ng airport at duon na po ako kukuhaan ng ticket. Biniro ko po 'yung driver. Sabi ko, 'Lagot ka pag hindi mo ako hinatid ng embassy, ikaw ang papakasuhan sa pagkakagawa sa mata ko.' Kasi parang may dugo po talaga sa gilid tapos sabi niya saglit ka lang ha tapos pagkarating na pagkarating ko tumakbo na po ako papasok dito," salaysay ni Abcede.
Wala na raw nagawa ang driver nang siya ay makapasok na sa loob ng konsulada at makapagreklamo agad sa Philippine Overseas Labor Office.
Sinabi ni Labor Attache Nasser Munder na maaari nilang ipakansela ang accreditation ng ahensyang nag-deploy kay Abcede dahil sa ginawang pananakit sa kanya.
"Ang gagawin namin ay ika-cancel ang accreditation niya para hindi na makakuha ng tao sa atin, hindi na makapag-process. Kumbaga pinutol na natin ang ugnayan sa kanila," ani Munder.
Dagdag pa ni Munder, pinayuhan na raw niya si Abcede na agad na mag-file ng reklamo at habulin ang kanyang claim kabilang ang danyos perwisyo dahil sa pananakit sa kanya ng kanyang amo.
Umaasa namkan si Abcede na mapanagot ang recruitment agency na nagpaalis sa kanya. —KBK, GMA News