Hustisya ang sigaw ngayon ng pamilya ng Cebuana na pinatay umano ng asawa sa pambubugbog sa Sweden. Ang ina ng biktima, nanawagan na mapunta sa kaniya ang kostudiya ng dalawa niyang apo.
Sa ulat ni Chona Carreon sa GMA Regional TV "Balitang Bisdak”" nitong Miyerkoles, sinabing ikinasal ang biktimang si Mailyn Conde Sinambong sa Swedish na si Steve Abou-Bakr Aalam noong 2009 sa bayan ng Medellin, Cebu.
Nagkakilala raw ang dalawa sa isang mall sa Cebu noong nagbabakasyon si Aalam. Nanirahan ang mag-asawa sa Sweden kasama ang anak pagkatapos nilang ikasal.
Labing-isang taon silang nagsama bago ito nauwi sa trahedya at mapatay umano si Mailyn ng asawa noong Setyembre 23.
Wala pang linaw kung paano pinatay ang biktima. Nadakip na si Aalam ng Swedish authorities.
Ayon pa sa ulat, nasaksihan pa ng dalawang menor de edad na anak ang pagpatay sa kanilang nanay.
"Umiiyak na talaga ako, pagdating ko sa bahay may mga post na. Mga post tungkol sa ate ko kung anong nangyari. Kaya 'di ko natiis. Sinabihan ko na lang si mama na 'Ma, sorry talaga kasi 'di ko agad sinabi sa'yo na pinatay si ate. Kasi tinitingnan ko pa kung totoo ba talaga," sabi ni Angelo Monato, kapatid ni Mailyn.
Dati na ring nag-report si Mailyn sa pulisya tungkol sa pananakit ng asawa.
"Si Mailyn daw ni-rescue nila. Binugbog daw siya ni Steve. 'Yun lang ang alam ko. Kasi kapag nag-uusap kami mukha naman siyang masaya," sabi ni Maria Fe Buhayan, malapit na kaibigan ni Mailyn.
Ngunit hindi umano sinabi ni Mailyn sa pamilya ang pananakit ng kaniyang asawa.
Nananawagan ang pamilya ni Mailyn sa kasalukuyan ng tulong sa gobyerno, habang hindi pa naiuuwi sa Pilipinas ang labi ng biktima.
"Ilang taon nang hindi umuuwi ang anak ko hanggang sa namatay na lang siya. 'Yung mabibilin niya na lang ay 'yung mga apo ko na makikita ko. Sana madali 'yung pagtulong ni President Duterte," sabi ni Maria Monato, ina ni Mailyn.
Tumutulong sa pakikipag-coordinate ang grupong Migrante ng Department of Foreign Affairs, na hiniling na matutukan sana ang kaso ng pagpatay kay Mailyn.
"Magkaroon ng hustisya ang pagkamatay ni Mailyn and at the same time mapabilis ang repatriation ng remains niya na mabigyan ng disenteng libing dito sa sarili niyang bayan," sabi ni Connie Bragas-Regalado, Regional Coordinator, Migrante Central Visayas. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News