Ang kawalan ng maayos na tutulugan matapos ang maghapong pagtatrabaho ang ilan sa mga problemang kinakaharap ng mga dayuhang domestic helper sa Hong Kong— kabilang ang mga Pinoy. Ang ilan pa raw sa kanila, sa cabinet pinapatulog ng kanilang mga amo.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ng isang OFW ang cabinet na lalagyan ng mga damit na kaniyang tinutulugan.
"Kapag nakahiga po ako, hindi ako maka-straight nang higa, nakabaluktot lang po ako. Kasi ang size nila hindi kasing tangkad ko," paliwanag ng OFW na itinago sa pangalang Lorena.
Pahabol niya, "Buti pa ang hayop maganda ang tinutulugan."
Ang isa pang OFW na itinago sa pangalang "Rina," sa sahig ng maliit na kuwarto ng kaniyang mga alagang bata pinapatulog.
"Kapag natutulog ako parang nasa kabaong ako, kasi konti lang yung space talaga," pagbahagi niya.
Naapakan din umano siya ng kaniyang mga amo kapag sinisilip ang mga anak dahil hindi puwedeng buksan ang ilaw.
Ang OFW naman na itinago sa pangalang Sarah, sa kusina naman pinatulog ng amo at kung minsan ay karton ang ginagawang sapin sa sahig.
"Kapag nagagalit ang amo ko, kinukuha niya po yung blanket ko, yung foam, yung unan, lahat po. Ginagamit ko 'pang tulog lang ay karton at bath towel ko po," aniya.
"Ang sabi niya [amo], 'I'm not allowed to sleep in the sofa and the living room because I'm only a helper,'" dagdag ni Sarah.
Batay umano sa pag-aaral ng Mission for Migrant Workers, isang non-government organization sa Hong Kong, ang kawalan ng maayos na tulugan ang isa sa mga pangunahing problema ng mga kasambahay sa naturang lalawigan ng China.
Umaabot sa 61 porsiyento ng mga banyagang kasambahay ang walang sariling kuwarto, at ang nagsisilbing tulugan ang iba't ibang bahagi ng bahay tulad storage o computer room.
Nasa mahigit 300,000 ang banyagang kasambahay sa Hong Kong, at mahigit 2,000 sa kanila ay mga Pinoy. -- FRJ, GMA News