Bilang si Adelina sa hit series na "Pulang Araw," hindi mailarawan ni Barbie Forteza ang sakit nang mapatay ng pinakamamahal niyang si Hiroshi ang ama niyang si Julio.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing halos walang tigil ang mga eksenang nakadudurog ng puso.

Kamakailan lamang, aksidenteng napatay ni Hiroshi, ginagampanan ni David Licauco, ang nakapatay sa kaniyang amang si Julio, ginagampanan ni Epy Quizon.

"Sabi ko, there's no coming back from that. Parang sabi ko, knowing Adelina and her character and how much she loved her father talaga kasi si Julio na lang ang tumayong magulang niya talaga after Fina died, Ms. Rhian Ramos. So, grabe 'yung pain na 'yun for sure. Hindi ko alam how Adelina would deal with that situation," sabi ni Barbie.

Dagdag pa ni Barbie, hindi niya makalimutan kung paano kinunan ang masakit na eksena.

"Dinala sa akin ni Hiroshi 'yung bangkay ni Julio. Talagang it was so heartbreaking and malaking tulong talaga na sobrang believable 'yung itsura ni Sir Epy. Talagang props to the prosthetics and the makeup team. Talagang ang galing. So, ramdam na ramdam mo talaga," sabi ni Barbie.

Samantala, ibang saya ang nadarama ni Barbie sa pagtatapos ng kanilang taping para sa Pulang Araw.

Ayon sa aktres, alam niyang nakapaghahandog sila ng isa sa pinakamagandang series ngayong 2024.

Nagkaroon sila ng salo-salo sa set bilang pasasalamat at early Christmas gathering.

"Definitely 'yung buong team talaga, 'yung staff and crew, talagang sila talaga 'yung pinaka-naghirap at nagpagod para mabuo 'yung show and so they really deserve to celebrate the end of the show," sabi ni Barbie.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News