Sa ikinasang follow-up operation ng mga operatiba ng District Anti-Carnapping Unit ng QCPD sa Sta. Cruz, Maynila natunton ang isang kotse na inireklamong ilang buwan nang nawawala.
Dumulog ang may-ari sa mga awtoridad para ireport na noong Hulyo ay nakipagtransaksyon siya sa isang lalaki na nais bumili ng kotse.
“Ito ay pina-assume niya yung tinatawag natin na “pasalo” so ibig sabihin inilipat na niya ang kanyang karapatan doon sa sasakyan ngunit may usapan sila na kapag ito hindi nagbayad sa bangko yung tao na 'yon ibabalik niya yung sasakyan. Ngunit hindi ito naganap o hindi nangyari kaya mula noon itinakbo na niya yung sasakyan,” paliwanag ni PEMS Dennis Telen, ang chief investigator ng QCPD-DACU.
Oktubre nang sampahan ng may-ari ang lalaki ng reklamong paglabag sa New Anti-Carnapping Act sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Ang kotse ay naisangla na pala sa isa pang tao sa halagang P300,000.
Narekober sa kanya ng pulisya ang sasakyan.
Payo naman ng mga awtoridad para maiwasan na mabiktima ng “pasalo” modus, mag-ingat sa bawat transaksyon.
“Sa lahat ng transaksyon na kanilang gagawin dapat ito ay may patnubay ng bangko para yung kanilang agreement ay legal. Kasi kung walang presence ng bangko yung kanilang assumption ng mortgage magiging problema lang ito,” ani Telen. — BAP, GMA Integrated News