Naaresto ng pulisya ang 40-anyos na lalaki sa ikinasa nilang drug buy-bust operation sa Barangay Commonwealth sa Quezon City.
Nakuha ang nasa 175 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa isang milyong piso.
“Nakatanggap po tayo ng impormasyon galing isang confidential informant regarding sa isang individual na nagtutulak ng droga sa nasabing lugar. Nag conduct kaagad tayo ng validation at upon confirmation ay naikasa natin itong buy bust operation,” ani Police Lt. Col. Romil Avenido, ang hepe ng Batasan Police Station.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), itinuturing na high value individual ang suspek na nag-ooperate sa ilang barangay sa lungsod.
“Itong ibang pusher sa nearby barangay at karatig lugar ay sa kanya kumukuha ng illegal na droga. Usually kaliwaan po yan at minsan naman through online transaction,” dagdag pa ni Avenido.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na sinampahan na ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Inaalam pa raw ng pulisya ang source ng droga ng suspek. — BAP, GMA Integrated News