Nagbigay ng payo si Jennylyn Mercado sa kaniyang asawang si Dennis Trillo matapos ma-hack ang TikTok account ng aktor at makapagpalitan ng hate comments.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa 24 Oras, sinabing nagulat maging si Jennylyn sa nangyari.

"Sabi ko, 'Anong nangyari?' 'Yung management ko 'yung nagsabi sa akin. Sabi ko, 'Imposibleng mangyari 'yan. Hindi si Dennis 'yan, hindi siya ganu'n," sabi ni Jen.

Kaya naman may nakakatuwang payo si Jennylyn kay Dennis.

"Ang advice ko na lang sa kaniya, 'Hirapan mo nga 'yang password mo!"

Matatandaang inilabas ng Kapuso Network nitong Hunyo ang station ID nito, ngunit napansin ng netizens na wala si Jennylyn.

Isang netizen ang nagtanong sa isa sa TikTok post ni Dennis tungkol sa usapin umano ng paglipat ni Jennylyn sa ABS-CBN.

Tumugon ang account ni Dennis na “May ABS pa ba?” na pinuna ng netizens.

“Ayokong magpaapekto dahil hindi naman totoo ‘yung mga naririnig ko, mga nabasa kong comments dahil siyempre, na-hack nga ‘yung account ko,” saad ni Dennis sa kaniyang pahayag.

“Sa 20 years, sabay tayo (tinutukoy si Nelson Canlas) sa industriya na ito, wala po akong naging kaaway, wala akong pinagsalitaan ng masama. Wala po akong anything against ABS-CBN. Mataas po ang respeto ko sa kanila, doon po ako nanggaling, doon tayo nanggaling pareho. At siyempre ‘yung respeto, importante sa akin ‘yun, kaya pinapahalagahan ko ‘yan,” pagpapatuloy ni Dennis. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News