Maaring makaranas ang bansa ng mga mapaminsalang ulan at baha sa huling bahagi ng taon lalo na sa pagpatak ng La Niña.
Ayon sa ulat ni Mariz Umali sa "24 Oras" ngayong Martes, nababahala ang mga eksperto sa maaring maging epekto ng madalas na pag-ulan.
"We will be expecting wetter weather mga during La Niña stages. So yun po yung kailangan paghandaan but at the same time kailangan mas urgent yung mga policies," ani Greenpeace campaigner Jefferson Chua.
"Alarming is an understatement in this situation that we are in right now,” dagdag niya.
Ayon sa PAGASA, ang La Niña ay maaring magsimula sa pagitan ng Hunyo hanggang Agosto ng taon.
"Ang dapat natin paghandaan, syempre, yung ating mga flood-prone areas kung sakaling matuloy ang La Niña," sabi ni Ana Liza Solis, PAGASA Climatology and Agrometeorology Division-Climate Monitoring and Prediction Section chief.
Ang nasabing phenomenon ay nagmamarka ng mas madalas na pag-ulan sa huling bahagi ng taon hanggang sa mga unang buwang ng susunod na taon.
Si Frank Nikol Marba, isang residente mula sa Dinagat Islands, ay nagaalala sa maaring maging epekto ng pag-ulan sa kanilang pagkain.
“Yung pa kayang effect dito talaga sa amin is our food security kasi dito medyo nagmamahal talaga ang mga pagkain," ayon sa kanya.
Sa ngayon, nakakaranas ang bansa ng matinding init dahil sa El Niño.
Umaapela din ang Greenpeace na isabatas ang climate damages tax o carbon tax - ito ang buwis na ipinapataw sa mga fossil fuel companies na nage-emit ng matinding carbon.
Suportado ng 100 climate organizations sa buong mundo ang hakbang na ito.
Kapag naisabatas ang nasabing tax, gagamitin ang mga nalikom na pera para sa pag-rehabilitate sa mga pinsalang dulot ng carbon emission.
“We all know carbon emissions are not just carbon emissions, they cost something in the society,” sabi ni Chua.
“This is an extremely urgent matter because the cost of climate impacts are accelerating at a really rapid rate,” dagdag niya. — Vince Angelo Ferreras/BAP, GMA Integrated News