Nasa 50 na pamilya ang nawalan ng tirahan sa Malate, Manila dahil sa sunog. Isa sa mga natupok ay ang bahay ng isa sa mga fire volunteers.
Ayon sa ulat ni Saleema Refran sa "24 Oras" ngayong Martes, nagsi-akyatan sa mga bubong ang ilang bumbero upong apulahin ang apoy dahil sa liit ng mga eskinita at nasa looban ang naganap na sunog.
Inabot ng isa't kalahating oras ang pag-apula sa apoy na sumunog sa 40 na bahay.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog at kabuuang halaga ng pinsala.
Nagbababala ang Bureau of Fire Protection Manila sa publiko na madalas ang mga sunog na dulot ng overloading or short circuits ngayong mainit ang panahon.
"Pa-check po natin sa mga electrician, na tamang mga tao na titingin, kung yung mga kable ba natin ng mga kuryente, ating mga outlet is sufficient pa para sa mga appliances na ginagamit natin," sabi ni FSupt. Christine Cula.
"Ayan ang common, number one cause talaga is yung overloading, short circuit or yung pagsabog ng electrical wires," dagdag niya. — Vince Angelo Ferreras/BAP, GMA Integrated News