Inaresto ang apat na miyembro umano ng “Salisi Gang” sa isang mall sa Barangay Pansol, Quezon City matapos bumili ng cellphone gamit ang ninakaw umano nilang credit card, ayon sa Anonas Police Station.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, kinilala ang mga suspek na sina Sabel Acuna, Wheng Ramos, Ainie Rabe, at Arvilyn Mamaran.
Magbabayad na sana ang biktimang senior citizen sa isang restaurant nang mapansin niya na nakabukas na ang kanyang bag at wala na ang kanyang credit card.
Nakatanggap din siya ng mensahe sa bangko na nag-abiso tungkol sa pagbili ng isang cellphone sa halagang P84,990 gamit ang kanyang nawawalang credit card.
Nagsumbong ang biktima sa pulisya.
Kita sa CCTV ng isang tindahan sa isang mall ang mga suspek na bumibili ng cellphone.
Sabi ni Police Lieutenant Colonel Ferdinand Casiano, hepe ng Anonas Police Station, nakapagpagawa agad ng pekeng ID ang mga suspek na siyang pinakita nila sa pagbili gamit ang ninakaw na credit card.
“Nakapagpagawa agad sila, same lang doon sa pangalan sa credit card,” sabi ni Casiano
Naaresto ng mga pulis ang apat na suspek sa mall pero nakatakas naman ang dalawa pa nilang kasabwat. Positibo din silang kinilala ng empleyado ng nasabing tindahan.
Nabawi sa mga suspek ang cellphone at credit card.
Tinanggi ng ilan sa mga suspek ang paratang habang ang iba naman ay nagsabing sa korte na lang sila magpapaliwanag.
Ayon sa pulis, ginagawa raw ng mga suspek ang kanilang modus sa Metro Manila.
Si Mamaran ay may arrest warrant sa kasong pagnanakaw umano sa Cebu. Habang sina Ramos at Rabe naman, pangatlong beses nang nakulong dahil din umano sa pagnanakaw.
Nahaharap sa reklamong paglabag sa Access Devices Regulation Act at theft ang mga suspek. — Joviland Rita/RSJ, GMA Integrated News