Isang nakamamanghang tagpo ang naranasan ng grupo ng mga diver nang yakapin sila ng octopus na kinukunan nila ng mga larawan at video sa Argonaut Wharf sa Canada.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing ilang minuto pa lang sa ilalim ng tubig sina Andrea Humphreys at ang kaniyang mga kasamahan nang mamataan nila ang isang giant Pacific octopus.
Umpisa pa lamang, may kakaiba nang kilos ang naturang pugita dahil hindi ito nagtatago sa ilalim ng mga bato, na taliwas sa karaniwang kilos ng mga pugita.
Pero makalipas ang 40 minuto, lumapit ang pugita sa grupo ni Humphreys at tila niyakap ang isa nilang kasamahan.
"That was just unbelievable, so wild! It started by feeling on his arms and then it crawled up right over on his face," sabi ni Humphreys.
Sunod namang pinuntahan ng pugita si Humphreys.
"At some point it had crawled on my body, on my hips, and was giving me a hug and it had tentacles up and around my mouth. And it was sucking on my lip which was the only exposed part of my body," kuwento ni Humphreys.
Ipinaliwanag ng marine animal experts na hindi agresibo sa mga tao ang mga pugita, ngunit dumedepensa ang mga ito tuwing nanganganib.
Nangangagat ang mga pugita na maaaring magdulot ng matinding injury kung gagalitin sila.
Isang uri ng pugita ang may nakamamatay na venom.
Pero maaaring maging palakaibigan ang mga pugita sa mga tao kung wala silang nakikitang peligro.
"Just hoping I could make people, through this video, aware of what lives under the sea, being conscious of our wastes and how it gets into the ocean," sabi ni Humphreys. — VBL, GMA Integrated News