Nagkasagutan ang ilang tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) habang isinasagawa ang clearing operations sa lungsod.

Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabi ni MMDA Task Force Special Operations head Bong Nebrija na natiketan nila ang isang pribadong sasakyan ng isang pulis dahil sa illegal parking.

Pero nagalit ang pulis na nauwi sa sagutan at nang-harrass pa umano ito ng ilang tauhan ng MMDA.

Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang panig ng pulis.

Kasunod nito, hinuli at tiniketan din ng pulisya ang isang tauhan ng MMDA dahil walang suot umano na face mask.

Depensa ng QCPD, wala silang pinipili sa kanilang tinitiketan at aalamin nila ang buong kuwento sa insidente.

 

 

Sa ulat naman ni Luisito Santos sa Super Radyo DZBB, itinanggi ng tauhan ng QCPD ang pangha-harass umano sa mga tauhan ng MMDA sa Barangay Pinyahan.

Ayon sa pulis ng QCPD Station 10, nasaktan siya dahil sa hindi patas umano na panghuhuli ng MMDA sa illegal parking sa lugar, nang hindi matiketan ang mga truck ng bumbero at ambulansiya na ilegal din umanong nakaparada.

Sinabi pa ng pulis na iniwan lamang niya sa bangketa ang sasakyan para dumalo sa isang roll call sa Kamuning Police Station noong umaga. — Jamil Santos/DVM, GMA News