Nahaharap sa reklamo ang isang nagpakilalang anak umano ng kongresista at kaniyang grupo matapos nilang paluhurin, pagsusuntukin at sipain ang isang guwardiya na hindi sila pinapasok dahil sa kawalan ng sticker sa BF Homes Subdivision sa Parañaque City.
Sa ulat ni Katrina Son sa 24 Oras Weekend, mapapanood sa isang cellphone video ang tila komosyong nangyayari sa gilid ng gate sa Concha Cruz ng subdivision.
Ilang saglit pa, biglang sinuntok ang guwardiya, pero agad naman siyang lumayo sa grupo ng mga lalaki.
Pero pinalapit ng isang lalaki ang sinuntok na guwardiya para kausapin ang grupo.
Maya-maya, nakaluhod na ang guwardiya, na biglang sinipa.
Kinilala ang guwardiya na si Jomar Pajares.
Nangyari ang insidente gabi ng Marso 16, kung saan patapos nang magtrabaho ang guwardiya.
Pinara ng biktima ang isang sasakyang walang sticker ng 6:45 p.m., dahil kailangan ng sticker para makapasok sa subdivision.
"At that time 'yung tao na 'yon, nag-enter sa area ko tapos hinarang ko, sinita ko na walang sticker, 'Bawal po tayo rito,'" sabi ng guwardiya.
Nagbigay si Pajares ng alternatibong ruta, pero nagalit ang lalaking nagmamaneho ng sasakyan at hinamon pa siya ng barilan.
"Nag-amok ng away, naghamon pa nga ng barilan. 'Barilan tayo! May baril ka ba?' During that time na 'yon ginano'n (hinawi) niya 'yung cap ko," kuwento ni Pajares.
Matapos nito, nakipag-usap pa ang isang kasamahan ng lalaki na papasukin sila.
Pero hindi pa rin pumayag si Pajares kaya umalis ang sasakyan saka bumalik na may sticker na.
Nagpakilala ang mga sakay na isang anak umano ng isang kongresista, isang driver at dalawang bodyguard.
Nang gumilid na ang grupo, dito na nila pinagsusuntok, pinagluluhod at tinadyakan ang guwardiya.
"Masakit kasi naghahanap-buhay ako para sa pamilya ko eh. Pag-uwi ko ngayon, hindi na ako mapakali, natatakot ako kasi maya-maya balikan ako. Iniisip ko 'yung pamilya ko, 'yung anak ko. Ganoon na lang ang takot ko kasi malaking tao 'yan eh," sabi ni Pajares.
Inilahad ng guwardiya ang takot para sa kaniyang buhay.
"Dapat mabigyan ng hustisya kasi hindi 'yan aaksyunan. Hindi lang ako 'yung katulad ko na gagawan niyan ng mga mayayaman. Hindi lang ako ang magiging biktima niyan," sabi niya.
Inaasikaso na ng pamunuan ng BF Homes Subdivision ang reklamong isasampa laban sa suspek.
Sinusubukan ng GMA News na makuha ang kampo ng itinuturing suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA News