Nakunan ng camera ang away-trapiko ng isang driver ng kotse at motorcycle rider, na nauwi sa paluan ng helmet at baseball bat sa Quezon City.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang komprontasyon ng dalawang lalaki noong Martes ng hapon sa kalsada ng Barangay Bahay Toro ng nasabing lungsod.
Makikita sa video na nagkakasagutan na ang rider at driver ng kotse hanggang hampasin ng rider ng kaniyang helmet ang kaaway niyang driver.
Sandaling humupa ang tensyon nang mamagitan ang ilang tao at traffic enforcer. Pero kumuha naman ng baseball bat ang drider mula sa kaniyang kotse at ilang beses inambahan ang rider.
Hanggang sa muling sumiklab ang gulo nang ituloy na ng driver ang pagpalo ng basball bat sa rider na may hawak pa ring helmet.
Kinalaunan, naagaw ng rider ang baseball bat sa driver.
Ayon kay Ronilo Espanillo, traffic enforcer ng Barangay Bahay Toro na nasa pinangyarihan ng gulo, napahupa na nila ang sitwasyon sa umpisa pa lang ng komprontasyon.
Sinabi pa ni Espanillo na nakuha na nila ang baseball bat at ipinasok sa kotse.
Pero nagkainitan na naman at biglaan ang naging hatawan ng driver at rider kaya hindi na nila ito naawat.
"Akala ko okay na kasi maayos na eh," ani Espanillo.
Pero bago ang hatawan, nakita sa CCTV na nakabuntot ang kotse sa motorsiklo ng rider. Naka-go noon ang traffic light pero may biglang napatigil ang rider nang may side car.
Bigla namang napapreno ang kotse ng driver at binusinahan ang rider hanggang sa magsimula na ang away.
Nagpa-blotter ang dalawang kampo sa Brgy. Bahay Toro, na sa huli ay sinabing nagka-ayos din.
Hindi pa tumutugon sa GMA News ang motorcycle rider, samantalang hindi na nagpaunlak ng interview ang driver ng kotse, ayon sa kabilang barangay kung saan ito residente.
--FRJ, GMA News