Hinikayat ni Education Secretary Leonor Briones ang mga guro na magpaturok ng COVID-19 vaccines para sa kanilang proteksiyon at mga estudyante sa harap ng planong palawakin ang face-to-face classes.

Sa virtual press conference nitong Biyernes, sinabi ni Briones na hindi papayagang makilahok sa limited face-to-face classes ang mga tauhan na hindi bakuna, kabilang ang mga guro.

“For those who have hesitations they have a choice, but they cannot participate face-to-face because that for us is a very important policy step to consider the wishes of parents and local government, national government to give emphasis to vaccination,” ani Briones.

Samantala, sinabi ni Education undersecretary Willie Cabral, na ang mga guro na hindi haharap sa mga estudyante ay maaaring mag-report onsite pero dapat mayroon silang negative results ng RT-PCR at antigen tests.

Idinagdag ni Cabral na maaaring gumawa ng alternative work arrangement ang mga unvaccinated teachers at school personnel, at maglalabas ng kaukulang direktiba ang mga regional director batay sa umiiral na alert level sa kanilang nasasakupan.

Sa expansion phase ng face to face classes, kailangang matiyak na sumusunod ang paaralan sa standards of the School Safety Assessment Tool (SSAT) at dapat nasa lugar na umiiral ang Alert Levels 1 at 2, batay sa periodic risk assessment ng DOH.

Ang mga lalahok na paaralan ay maaaring magsama ng ilang grade level, batay sa kapasidad ng eskuwelahan.

Ayon kay Briones, ang mga mag-aaral na makikibahagi sa face-to-face classes ay kailangan na mayroong written consent ng mga magulang.

Sa National Capital Region (NCR), tinatayang 28 pilot schools ang magpapatuloy ng face to face classes sa February 9. —FRJ, GMA News