Pinapayagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na makabalik sa pagbiyahe ang mahigit 1,000 traditional jeepney sa Metro Manila simula nitong Miyerkules.

Iniulat ni Darlene Cay sa Unang Balita na masaya ang mga PUJ driver na nakasama sa 10 ruta na muling binuksan ng LTFRB, ngunit malungkot naman ang iba pang drivers na hindi nakasama.

Kabilang sa 10 rutang binuksan matapos ang anim na buwan dahil sa COVID-19 quarantine ay ang mga sumusunod:

  • Sangandaan-Divisoria
  • EDSA/North Ave. - Quezon City Hall
  • Marcos Ave. - Quirino Highway
  • Dapitan - Libertad
  • Divisoria - Retiro
  • Libertad -Washington
  • Baclaran - Escolta
  • Baclaran - QI via Mabini
  • Blumentritt - Libertad
  • Bluimetitt - Vito Cruz

Kagaya ng mga unang pinayagang magbalik-pasa ay ang mga "certified roadworthy" na traditional jeep lamang, ayon sa ulat.

Dapat din umanong may passenger personal insurance policy ang mga pinagayan ayun sa LTFRB.

Kapalit ng special permit na kailangan upang makabiyahe ay ang QR code na ibibigay sa mga operator.

Ang QR code ay dapat naka-print sa papel at naka-display sa sasakyan.

Sisiguruhin din umano ang pagpapatupad sa health and safety protocols sa loob ng mga jeep, isa na rito ang hindi pagpapasakay ng mga pasaherong walang suot na face shield and face mask. —LBG, GMA News