Nagbigay ng pahayag ang batikang broadcast journalist at GMA News and Public Affairs pillar Jessica Soho tungkol sa patuloy na pamamayagpag sa ratings ng "Kapuso Mo, Jessica Soho." Kasabay nito, inihayag din niya ang pressure na nararamdaman bilang host ng programa.

Nitong Miyerkules, Marso 13, minarkahan ni Jessica ang kaniyang ika-34 taon bilang Kapuso matapos pumirma muli ng kontrata sa GMA Network

 

 

Nakakuha ng 19.2 percent rating ang "KMJS" nitong Pebrero, kaya natanong si Jessica kung may plano ba ang programa na higitan pa ito.

"Sana makaya namin. Sana makaya ng staff. It's always a challenge. Pero kasi 'di ba kailangan balansehin mo. Hindi puwedeng ratings lang. Kailangan, 'yung tagline ng programa is 'Makabuluhang kuwentuhan.' So kailangan may redeeming value pa rin 'yung mga pinapakita namin. Ibig sabihin may lesson to be learned, especially for the young," anang broadcaster.

"'Pag ratings lang kasi, madali 'yun eh, 'di ba? You just shock them. Kailangan balansehin mo rin with other stories na kapupulutan nila talaga ng aral. Hindi lang ikatutuwa, hindi lang ikasasaya, hindi lang para to move them, sometimes to shock them and to anger them. Kailangan meron din silang makuhang leksyon. So we like to balance the stories and the episodes. Importante 'yon," dagdag pa niya.

Sinabi pa ni Jessica na patuloy silang sumasagot sa hamon na maging up-to-date.

"Nakaka-pressure din kasi parang, 'Naku! Kasama na tayo du'n sa pop culture na tinatawag.' So it means lagi kaming dapat updated. Minsan 'pag may mga bagong words for example, ini-incorporate namin sa mga script namin kasi then it makes us more conscious na they are really watching. So we have to use these words na ginagamit din nila. Because it's a way to better connect to them," paliwanag niya.

Inihayag ni Jessica na may sariling pressure rin siyang nararamdaman bilang host ng programa.

"Pero it brings a lot of pressure din sa amin. Lalo na sa akin. 'Yung staff kasi ng KMJS is very young. So sila, gets nila agad. But for me, 'Ano ba ang ibig sabihin niyan?' So nape-pressure din ako then I read up also. Tinitingnan ko 'yung mga comment para alam ko," pahayag niya.

Mayroon kaya siyang top-of-the-mind story hindi pa naiko-cover ng programa?

"Hindi ko masabi. Kasi every week it's a struggle to look for stories. We will take it as it counts," tugon ni Jessica.

Nagpasalamat ang broadcaster sa patuloy na pagtitiwala at pagtangkilik ng mga manonood sa kaniya at sa "KMJS."

"Thirty-four years na po akong Kapuso. Maraming salamat sa aking mga kasama sa trabaho at siyempre, sa mga namumuno po ng GMA Network. At of course, sa inyo pong aming mga manonood. Maraming salamat po sa inyong pagtitiwala, marami pa ho tayong mga pagkukuwentuhan at marami pa ho tayong mga pag-uusapan. Salamat pong muli," aniya.

Kasama ni Jessica na pumirma sina GMA Network Chairman and CEO Felipe Gozon; President and COO Gilberto Duavit; Executive Vice President and CFO Felipe Yalong; at GMA News and Public Affairs SVP Marissa Flores.

"Tayo ay talagang nagagalak sapagkat ang programa ni Jessica ang number one program sa lahat ng program ng GMA at ng lahat ng mga kalaban nito. Kaya't ganu'n kahalaga si Jessica sa GMA. Kaya talagang galak na galak kami na ipagpapatuloy natin ang kaniyang more than 34 years sa GMA," saad ni Atty. Gozon.

"Mapalad tayo na magpapatuloy siya na magiging kasamahan natin at... kaya nasisihayan tayong lahat na magpapatuloy pa sa hinaharap na panahon ang ating pagsasama sa kasamahan nating si Jessica, we are all very happy and very proud," sabi ni Duavit.-- FRJ, GMA News