Patay ang tatlong drug suspects sa ikinasang buy-bust operation sa Quezon City noong Sabado ng gabi.
Iniulat ng GMA News nitong Linggo na sa Barangay Pansol nangyari ang operasyon, na pinangunahan ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit at District Special Operations Unit ng Quezon City Police District (QCPD).
Kinilala ang mga napatay na sina Jayson Umali (ang main target) at ang dalawa pang suspects na kinilala lamang sa mga alias na "Nhing" at "Badjok."
Ayon sa mga pulis, nanlaban umano si Jayson nang malamang pulis ang katransaksyon na bumili ng limang gramo ng shabu na nagkakahakaga ng P15,000.
Si alias Nhing umano ang nag-abot ng shabu at nang magbabayaran na, nakalahata ang mga suspek na pulis ang kanilang ka-deal.
Ayon kay Superintendent Ramon Pranada, commander ng QCPD Mobile Force Battalion, nagpaputok ang mga suspek pero nagmintis kaya gumanti ng putok ang mga pulis.
Bumulagta sa loob ng bahay sina alias Nhing at alias Badjok, habang sa labas binawian ng buhay si Umali.
Isang linggo pa lang umanong umuupa sa isang bahay ang mga suspek pero agad daw na nabilhan ng operatiba si Umali sa test buy noong isang araw.
Wala raw sa drug watch list ang tatlo at aalamin pa ng mga pulis kung ginagawang drug den ang bahay.
Narekober ng SOCO ang pitong sachet ng panaghihinalaang shabu, limang plastic na naglalaman ng marijuana, at tatlong baril na ginamit umano ng mga suspek. —LBG, GMA News