Aabot sa 50 mga unit ng kuliglig at tricycle ang hinuli sa Recto Avenue ng Manila Traffic and Parking Bureau nitong Miyerkules dahil sa pagbiyahe sa mga national road na ipinagbabawal ng lungsod. Bukod pa rito, huli rin sa isinagawang operasyon ang ilang illegal vendor.

Sa GMA News "Unang Balita" ni Cedric Castillo, sinabi ng mga opisyal na walang oras na pwedeng dumaan ang mga sasakyang "three-wheels" sa mga national road kaya idederetso sila sa impound sa Harrison, Maynila.

Mula 5 p.m. hanggang 5 a.m. naman pinahihintulutang bumiyahe ang mga kuliglig, ngunit nahuli ang ilan na bumabiyahe sa umaga.

Ayon pa sa mga opisyal, kailangang magpresenta ng mga legal na dokumento ang mga operator ng mga tricycle na nahuli bago ibigay uli sa kanila ang mga unit.

Kinumpiska rin ang mga gamit ng mga illegal vendor sa clearing operations na isinagawa ng mga operatiba ng City of Manila sa kahabaan ng Evangelista Street. —LBG, GMA News