Hindi na muna matutuloy ang pagpapakasal ni Rich Asuncion sa kanyang boyfriend na si Benjamin Mudie ngayong 2017.

Ayon sa "Ika-6 Na Utos" actress, magpapakasal kasi ang isa niyang kapatid ngayong taon kaya minabuti nilang iurong muna ang kasal nila ng rugby player.

Saad niya, "Kasi yung kapatid ko muna daw, naunahan ako, baka masukob kami.

"December daw sila, e. Kakaano lang na December talaga na-finalize."

Ano naman ang naging reaksyon ni Benjamin dito?

Sagot ni Rich, "Okay lang. Di naman kami nagmamadali.

"Ang plan lang talaga this year is civil."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang reporters si Rich sa set visit ng Ika-6 Na Utos, noong Miyerkules, June 21, sa Barangay Mariana Multi-Purpose Hall, New Manila, Quezon City.

Sa naunang panayam sa kanya ng PEP, sinabi ni Rich na pinaplano nila ni Benjamin na magkaroon ng civil wedding ceremony sa Japan.

Subalit ayon sa StarStruck 4 alumna, nagbago na ang kanilang plano.

"Hindi na sa Japan kasi kailangan yata resident ka or something.

"Dapat sana Australia, sa December. E, yun nga, yung kapatid ko muna.

"Siguro mamu-move ng konti lang naman."

Bakit gusto nilang sa ibang bansa magkaroon ng civil wedding?

Paliwanag ni Rich, "Gusto ko lang din madala yung parents ko abroad."

Kung sa ibang bansa naman gaganapin ang civil wedding, sigurado raw na magkakaroon sina Rich at Benjamin ng church wedding sa Bohol.

Sa post naman ng PEP sa Instagram (@pepalerts) tungkol sa pagkaka-postpone ng wedding ni Rich, makikitang nagsagutan ang engaged couple sa comments section.

Sabi ni Benjamin: "Oh really now @richellasuncion? Lol"

Tugon naman ni Rich: "Yup! You just have to wait @benjmudie lol." -- For the full story, visit PEP.ph