Bago naging laman ng mga kontrobersiyal na balita ang dating PBA star na si Paul "Bong" Alvarez, isa siya sa mga hinahangaang manlalaro sa hardcourt dahil sa kaniyang husay sa naturang sport.

Kamakailan lang, inaresto ng mga awtoridad si Alvarez matapos umanong maaktuhang gumagamit ng ilang droga. Dati na rin siyang nasangkot sa iba pang kaguluhan tulad ng alegasyon ng pananakit.

Pero noong panahon ng kaniyang kasikatan sa PBA kung saan binansagan siyang "Mr. Excitement," gumawa ng mga rekord sa basketball si Alvarez na mahirap pantayan ng mga lokal na manlalaro.

Taong 1985 nang maging bahagi siya ng San Sebastian Varsity team sa NCAA, at naging professional player sa PBA noong 1989 nang kunin siya ng koponang Alaska.

Sa kaniyang pananatili sa koponan, si Alvarez ang isa sa mga lokal na manlalaro na nakagawa ng pinakamatataas na puntos.

Sa katunayan, sa laban ng Alaska vs Shell noong 1990, kumabig si Alvarez ng 71 puntos para lang sa isang laro.

Bukod kay Alvarez, ang isa pang lokal na manlalaro na nakagawa ng higit na 70 puntos sa isang laro ay si Allan Caidic na kumamada ng 79 puntos sa laban ng Tivoli vs Ginebra noong 1991.

Maliban sa Alaska, nakapaglaro din si Alvarez sa mga koponang Sta. Lucia, Shell, San Miguel, Ginebra, FedEx, Talk ‘N Text, at sa Red Bull, na huli niyang kinabilangan noong 2005.

Sandali rin niyang pinasok ang mundo ng showbiz at nakagawa ng ilang pelikula. -- FRJ, GMA News