Laman ngayon nga mga balita ang Islamic City of Marawi sa Lanao de Sur dahil sa kaguluhan doon dulot ng teroristang grupong Maute. Alam ba ninyo na iba ang pangalan noon ng lungsod na ito?
Ang Marawi ang kabisera ng Lanao del Sur, na sakop ng Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority, kabilang ang Marawi ang mga lungsod at munisipalidad sa ARMM na may pinakamaraming populasyon, na mahigit 90 porsiyento ay mga Muslim.
Sa tala noong 2015, sinasabing 201,785 ang populasyon sa Marawi City.
Pero bago naging Islamic City of Marawi ang lungsod, una itong tinawag na munisipalidad ng Dansalan noong 1907, na ang ibig sabihin ay lugar ng destinasyon o tagpuan.
Pitong taon makaraan nito, ginawa na itong kabisera ng lalawigan.
Bagaman unang isinulong na gawing lungsod na ang Dansalan sa pamamagitan ng Commonwealth Act No. 592 noong Agosto 1940, naipatupad lang ito noong Setyembre 1950 nina Commonwealth President Manuel. Quezon at dating assemblyman na naging senador na si Tomas Cabili.
Isinulong naman ni Senator Domocao Alonto noong June 1956 ang panukalang batas na palitan ang pangalan ng Dansalan at gawing Marawi City sa pamamagitan ng Republic Act No. 1552.
Ginawa naman itong Islamic City of Marawi noong April 1980, sa pamamagitan ng City Council Resolution No. 19-A . -- FRJ, GMA News