(Larawan mula sa Presidential Museum and Library)

Sa mga bayani, madaling matandaan si Heneral Macario Leon Sakay dahil sa kaniyang pagiging long hair. Pero bakit nga ba hindi siya nagpaputol ng buhok gayong isa sa mga naging trabaho niya bago siya sumabak sa himagsikan ay ang pagiging barbero?

Isinilang sa Tondo, Maynila, may taas na 5'3" si Heneral Sakay, na naisalin na rin sa pelikula ang buhay, at pinagbidahan ng batikang aktor na si Julio Diaz.

Sinasabing nagpasya si Sakay na huwag putulin ang buhok upang magsilbing paalala sa tagal niya sa kabundukan, at sa pakikidigma laban sa mga mananakop na Kastila. 

Pero kahit nalampasan niya ang pakikidigma sa mga Kastila, nagpatuloy pa rin si Sakay sa pakikipaglaban sa pumalit na puwersa ng Amerikano noong 1898.

Ang mahaba niyang buhok na naging palatandaan niya sa tagal ng pakikidigma sa mga Kastila ang ginamit na propaganda ng mga Amerikano laban sa kaniya.

Inakusahan siya at ang kanyang mga tauhan na mga bandido at hindi tunay na rebolusyunaryo. 

Sa kabundukan ng Rizal, itinatag ni Sakay ang “Republika ng Tagalog" noong 1902, at itinalaga niya ang sarili bilang presidente, at pangalawang pangulo niya si Francisco Carreon.

Idineklara ni Sakay ang kanyang gobyerno na tunay na puwersa ng mga rebolusyonaryo laban sa Amerika at iginiit ang kalayaan ng Pilipinas.

Taong 1905 nang magpadala ng emisaryo ang mga Amerika kay Sakay at nag-alok ng amnestiya para sa kaniya at sa kanyang mga tauhan kapalit ng pagsuko. 

Sa isang pagpupulong na dinaluhan sa Cavite noong 1906, sorpresang dinakip si Sakay at ang kaniyang mga tauhan sa paratang na mga bandido sila.

Sa paglilitis, hinikayat si Sakay ng emisaryo na maghain ng “guilty" plea sa bintang na bandido upang nabigyan siya ng amnestiya. Pero tinanggihan niya ito hinatulan siya ng parusang kamatayan at binitay noong Setyembre 1907. -- FRJ, GMA News