Inihayag ni Vice President Sara Duterte na hindi na sila umaasa na gagawa ng paraan ang Department of Justice (DOJ) para maibalik ng Pilipinas ang kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakadetine sa The Hague, Netherlands para litisin sa International Criminal Court.
Kaya naman maghahanap umano ang kanilang kampo ng paraan upang maiuwi sa bansa ang dating pangulo.
“Dapat siguro i-demand natin sa kanila na mag-isip sila, but clearly from the answers of secretary of the Department of Justice kanina, I don't think they will make moves in taking back or bringing the former President home," sabi ni VP Sara sa virtual press conference nitong Huwebes.
"So hahanapan na lang namin ng ibang paraan kung paano maiuwi ang ating dating Pangulo,” dagdag niya.
Nasa Netherlands pa ang pangalawang pangulo habang inaasikaso ang pagbuo sa magiging legal team na magtatanggol sa kaniyang ama.
Ayon kay VP Sara, nagpahayag pa ng kagustuhan ang ama na muling maging alkalde ng Davao City kapag mananalo sa darating na eleksiyon.
Tinanong din ang pangalawang pangulo tungkol sa kaniyang saloobin kay National Security Adviser Eduardo Año, na sinasabing hindi nagbigay ng impormasyon sa kaniyang ama sa mangyayaring pag-aresto noong nakaraang linggo pagdating nito mula sa Hong Kong.
“Sa totoo lang wala akong nararamdaman. Hindi ako galit, hindi ako disappointed. Nothing at all. Kasi pointless naman na mag-harbor ako ng feelings about what happened. Hindi na siya maibabalik. Hindi na mababalik si Pangulong Duterte sa Pilipinas” ani VP Sara.
“So what we should do as a country is move on from what happened. What will we do as [we move] forward as a country and as a people from what happened. Magalit man tayo, walang mapupuntahan ‘yung galit natin dahil hindi naman ‘yan sila pananagutin ng pamahalaan eh,” dagdag niya.
Tungkol sa posibleng "traydor" sa grupo ng mga kaibigan ng kaniyang ama, sabi ni VP Sara, “Hindi ko man matawag siguro na traitor, pero sigurado ako sa dami ng tao na ‘yun sa loob ng kuwarto na ‘yon ay meron talagang nagsasabi kung ano ang pinag-uusapan doon sa loob. Kung kanino nila sinasabi, hindi ko alam.”
Una rito, ipinaliwanag ni Año na wala siyang alam sa sinabing "conspiracy" sa pagkakaaresto kay Duterte. Aniya, ang kaniya lang ginawa ay suriin na ang sitwasyon, “does not escalate into a national security concern."
Nitong Miyekoles, inamin ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, na masama ang loob niya kay Año, dahil hindi nito sinabihan ang kampo ni Duterte na aarestuhin ang dating pangulo kapag bumalik sa Pilipinas.
Sinabi pa ni Dela Rosa na may usap-usapan na may traydor sa kanilang grupo na kasama ni Duterte sa Hong Kong. Gayunman, hindi niya binanggit kung sino ito. — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News