Kinondena ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Caraga (BFAR-13) ang ginawang paghatak ng mga tao papunta sa lupa sa isang buntis at sugatang pating na kinalaunan ay namatay sa Agusan del Norte.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, nilinaw na nangyari ang insidente sa Barangay Cabayawa, Tubay, at hindi sa kalapit na barangay ng Caasinan sa Cabadbaran City, na siyang unang iniulat.
Buhay pa ang pating nang mapadpad sa mababaw na bahagi ng dalampasigan nang makita ng ilang residente.
Sa pag-aakala umano na blue marlin ito, hinatak ng mga tao ang buntot nito at dinala sa lupa. Doon na nila nakita ang isa itong pating.
Sa video, makikita na may residente na humampas sa ulo ng pating gamit ang sanga ng puno.
May nakita umanong sugat sa pating na namatay kinalaunan.
Sa inilabas na pahayag ng BFAR-13, sinabing may nakitang "hook" sa bibig, at sugat sa ulo at buntot ang pating.
Nagsisimula na rin umanong manganak noon ang pating. Buhay na nakuha ang 29 sa 30 "pups" o baby ng pating na pinakawalan sa dagat.
Ipinaalala ng BFAR-13 na may mahalagang papel na ginagampanan ang mga pating sa pagmantine ng malusog na marine ecosystems.
“Sharks serve as apex predators, regulating the balance of marine life by keeping populations of prey species in check. Their presence ensures the stability of marine biodiversity, which in turn supports the productivity of our local fisheries and the overall health of our coastal waters,” ayon sa BFAR-13.
“The loss of these key species, especially a pregnant female, disrupts the ecological balance and may negatively impact our marine resources and affect the livelihoods of the coastal communities,” dagdag pa nito.
Nagbabala ang BFAR-13 sa publiko na bawal at may parusa sa ilalim sa Philippine Fisheries Code ang pagpatay, paghuli, pananakit o pagbebenta ng mga protected shark species at iba pang marine wildlife.
Hindi naman binanggit sa ulat kung anong uri ng pating ang namatay na may sukat na siyam na talampakan ang haba.
“As such, DA-BFAR urges local government units, fisherfolk, and coastal communities to respect and protect marine wildlife. The Regional Bureau remains committed to strengthening its efforts through education, law enforcement, and partnerships to prevent similar incidents in the future,” ayon sa BFAR-13. -- FRJ, GMA Integrated News