Sa kabila ng kanilang paghihiwalay, sinabi ni AiAi delas Alas na wala siyang balak na hilingin na mapawalang-bisa ang "green card" sa Amerika na nakuha ng kaniyang estranged husband na si Gerald Sibayan nang dahil sa tulong niya.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, kinumpirma ng aktres na nakipaghiwalay sa kaniya si Gerald noong Oktubre sa pamamagitan ng chat.

BASAHIN: AiAi, tinanong kung may third party ba sa hiwalayan nina Gerald Sibayan

Gayunman, pinabulaanan niya ang mga haka-haka na baka ipawalang-bisa niya ang green card ni Gerald na nakuha ng huli matapos silang ikasal ni AiAi, na isang US citizen.

"Hindi ko naman gagawin 'yon. Siyempre husband ko pa rin siya," sabi ni AiAi.

"Parang help ko na 'yon sa kaniya para magkaroon siya ng legal status sa Amerika," dagdag ng aktres.

Nagkaroon ng green card si Gerald matapos siyang ipetisyon ni AiAi makaraang silang ikasal noong 2017.

Taong 2015 nang maging green card holder si AiAi, na isang legal na dokumento sa Amerika, para payagan na permanenteng manirahan sa naturang bansa.

Ayon kay AiAi, nasa Pilipinas siya at nasa Amerika si Gerald nang mag-chat ang huli tungkol sa kanilang paghihiwalay.

Dahil may trabaho na si Gerald sa Amerika, umaasa si AiAi sa magiging maayos at kaya na nitong mapatakbo ang sariling buhay.

"Alam na niya ngayon how to fly. Parang kasi dati, ako yung nagmamaniobra, kasi ako talaga yung medyo matanda sa kaniya. So ngayon, mayroon na siyang karapatan to fly, nagwo-work na siya. Nandoon na siya sa Amerika,” sabi pa ni AiAi.

Hangad din ni AiAi na mahanap ni Gerald ang kaligayahan na magkaroon ng anak na hindi niya naibigay dahil na rin sa kaniyang edad.

"I wish you well kasi sa sampung taong pinagsamahan natin in fairness naman to you naging good husband ka naman and siguro ganoon talaga ang buhay. Basta, sana maging masaya ka na lang," saad ni AiAi, na nagdiwang ng kaniyang ika-60 taong kaarawan nitong Lunes, habang halos kalahati ng edad na mas bata sa kaniya si Gerald.

Ayon kay AiAi, sinubukan nila ni Gerald na magkaroon ng anak sa pamamagitan ng vitro fertilization (IVF) pero nawala ang dalawa sa tatlo nilang embryos.

Taong 2017 nang ikasal ang dalawa, at muli nilang inulit sa Las Vegas noong 2022. Ipinagdiwang pa nila ang kanilang ika-10 taong anibersaryo bilang magkasama noong Abril. —FRJ, GMA Integrated News