Tinitiyak ni Sparkle star Ahron Villena na bilang mapagmahal sa kaniyang fur babies, tama rin ang ibinibigay niyang pag-aalaga sa mga ito.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, ipinakilala ni Ahron ang kaniyang white dogs na sina Kodi, Killo at Lokki.

Ayon kay Ahron, malaki ang naitutulong ng kaniyang mga alaga sa kaniyang mental health, kaya naman labis ang kaniyang pagmamahal sa mga ito.

Dagdag niya, importante para sa kaniyang mga alaga na magkaroon ng oras para makihalubilo.

"Kailangan mo ring ilabas 'yung dogs mo eh, masanay sila sa mga tao, masanay sila sa ibang dogs kasi sometimes 'yung iba talagang bahay lang talaga lagi," sabi ni Ahron.

Isang beses sa isang buwan dinadala ni Ahron ang kaniyang mga aso sa mga park at pet play area kung saan nakapag-e-ehersisyo rin ang mga ito.

Maingat si Ahron dahil tinitiyak niyang kumpleto ang anti-rabies shots at iba pang bakuna ng mga alaga.

"'Yun 'yung pinaka-fear ko, na baka mamaya biglang nilabas ko, nagkaroon ng something disease, 'yung sa pang-dog,'' sabi ng Sparkle hunk.

Paalala ni Ahron na maging responsableng fur parent, at tiyaking kumpleto ang checklist kapag lalabas ng bahay para enjoy na ang pets, hindi pa perhuwisyo sa iba.

"I made sure naman na lagi akong kumpleto sa gamit nila, lagi akong may diaper, lagi akong may leash and water na dala, and poop bag," sabi niya. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News