May nakakikilig na mensahe si Kobe Paras para kay Kyline Alcantara, matapos maging usap-usapan ang sweet na video ng kanilang bonding sa karaoke. Sinabi rin ng aktres na nakilala na niya ang pamilya ng binata.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, naging matipid ang mga pahayag ni Kyline tungkol sa namamagitan sa kanila ni Kobe.

"Patawad po Tito Boy, pero hindi ko po kayo masasagot ngayon. But all I can say is, he makes me happy," saad ni Kyline nang tanungin sa tunay na estado nila ni Kobe.

"Pero Tito Boy, ito na lang... Halimbawa, boto ka ba sa kaniya?" tanong ni Kyline sa King of Talk.

"Botong boto. One to 10, 10," tugon ni Tito Boy.

"At kapag handa na kayo, halimbawa kung ano man, saan pumunta ito, promise me you're going to come back and say yes or no. Promise?"

"Promise," saad ng Sparkle actress.

Nagkuwento si Kyline tungkol sa viral video nila ni Kobe na nagba-bonding sa karaoke.

"Sa bahay po ng super close friend ko na naging friend na rin ni Kobe and nandiyan po 'yung non-showbiz friends ko. At nandiyan po ang aking mga magulang," sabi niya.

"First time kasi naming, inaasar namin si Kobe na kumanta siya, nahihiya po siya. So I was just there to support him and I guess that's my way of supporting him," pagpapatuloy ni Kyline.

Ayon kay Kyline, ang kantang "Hinahanap-Hanap Kita" ng Rivermaya noon ang inaawit ni Kobe.

Nagbigay din ng detalye si Kyline nang mamataan din silang magkasama ni Kobe na magkahawak ang kamay matapos ang GMA Gala.

"Lumabas po kami. Separate po kaming pumasok sa GMA Gala. The story behind it, first time po kasi ulit ni Kobe na mag-attend sa isang event, kinakabahan po siya nang sobra."

"So as always, I was just there supporting him. That's my way," pagpapatuloy pa niya.

Bukod dito, nakilala na rin ni Kyline ang pamilya ni Kobe, kabilang ang ama nitong si Benjie Paras.

"Meeting po sila at sinamahan ko rin po ulit si Kobe to support him. Supporter po kasi talaga ako," sabi ni Kyline. "Siyempre po, para mas makilala ko pa si Tito Benjie."

Sinorpresa ni Tito Boy si Kyline, na magdiriwang ng kaniyang kaarawan sa Setyembre 3, ng isang nakakikilig na video message mula kay Kobe.

"Hey Ky, I just want to wish you a very advanced happy birthday. I am so proud of who you are and who you are becoming. You make everyone you meet feel so loved and wanted and you are also an inspiration to so many people. I'll always be here to support you and I'll see you soon," mensahe ni Kobe kay Kyline.

Naghayag naman ng pasasalamat ang dalaga sa basketball player.

"Of course, thank you. 'Yun lang po ang masasabi ko ngayon at 'yung iba alam niya na naman po 'yun. Because lagi po naming napag-uusapan at lagi niyang sinasabi sa akin na I am more than all the issues thrown at me and I am more than my love life. That's why lagi niyang sinasabi na, 'Dito lang ako, ikaw na muna. I will let you shine,' because he knows po kung ano 'yung mga napagdaanan ko and I appreciate it,'" ani Kyline.

Ngunit para kay Kyline, si Kobe ang dapat sumagot sa mga tanong tungkol sa estado ng kanilang relasyon.

"Sana nga po makabalik po siya rito at siya na po ang sasagot ng mga tanong ninyo, kasi I think that's the proper way," sabi niya.-- FRJ, GMA Integrated News