Hindi naiwasan ng ilang netizens na mag-alala nang makita nila na naging emosyonal si Jose Mari Chan habang kinakanta ang kaniyang sikat na awiting "Christmas in Our Hearts" sa isang event. Mayroon nga bang pinagdadaanan ang OPM icon? Alamin ang kaniyang paliwanag.
Sa panayam ni Nelson Canlas para sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, ikinuwento ni Jose Mari Chan na ang lumabas at nag-viral na video ay kuha sa isang Christmas tree lighting ceremony sa isang mall noong nakaraang buwan.
Dahil hindi pa "Ber" month, ibang mga awitin ang kinanta ni Jose Mari Chan pero hiniling umano ng mga tao na kantahin niya ang "Christmas in Our Hearts."
“Sabi ko, ‘It’s only July!’ Buti na lang, I had my minus one, and when I began to sing, the whole audience sang along, so I was deeply touched and moved by the spontaneity of the people, young and old alike,” kuwento niya.
“They were singing 'Christmas in Our Hearts' with me. It was a touching moment,” patuloy niya. "Napa-teary-eyed ako that afternoon."
Para kay Jose Mari Chan, hindi niya kailangan ang mga titulo na ibinibigay sa kaniya gaya ng "Father of Christmas Carols" at "King of Christmas Carols."
"I don't like that. I'm just your regular Filipino singer-songwriter who happened to write a song, a Christmas song, that our people both young and old love, so it's a blessing to me and I thank God for that gift," saad niya.
Sa pagsapit ng "Ber" months, asahan na mas madalas na ring mapapakinggan sa mga mall, radyo, at iba pa ang mga sikat niyang awiting pamasko gaya ng "Christmas in Our Hearts" — FRJ, GMA Integrated News